Umaasa ang liderato ng Kamara na hindi ma-veto ang SIM Registration Bill, matapos niratipikahan na ng Kamara ang Bicameral Conference Committee report ng panukapang SIM Registration Bill na nag-uutos na irehistro ang lahat ng Subscriber Identity Module o SIM card.
Ayon kay Speaker Romualdez, kanilang inaaasahan na ang SIM Registration Act ang kauna-unahang batas na mapipirmahan ng Pangulong Bongbong Marcos sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Aniya, sa ipinasang bersiyon ngayon ng panukalang SIM Card Registration Act ay inalis nila ang probisyon ukol sa pagpaparehistro ng social media accounts na siyang dahilan ng pagveto noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ni Romualdez, napapanahon na itong maisabatas bilang solusyon sa talamak na panloloko sa pamamagitan ng text messages na maaring magdulot ng trahedya sa buhay at makasira sa public order.
Sinabi ni Speaker Romualdez, kapag naisabatas ang SIM Registration Bill ay mas magiging responsable ang mga gumagamit ng Cellphone o iba pang electronic devices na may sim card.
Naniniwala kasi si Romualdez, maituturing din itong sandata ng mga alagad ng batas laban sa mga gumagawa ng krimen gamit ang telecommunication devices.
” Na-ratify ngayon ng House of Representatives ang bicameral committee report sa SIM Registration Act. Kung mara-ratify na rin ito ng Senado, maaari nang ipadala ang panukalang batas para mapirmahan ng Pangulo,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Nagpasalamat naman si Romualdes sa kaniyang mga kasamahang mambabatas sa 19th Congress dahil sa mabilis na aksiyon sa nasabing panukala.