-- Advertisements --

Pormal nang tinapos ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang kanilang pagdinig hinggil sa umano’y maanomaliyang pagbili ng pamahalaan ng mga pandemic supplies.

Apat na pagdinig lamang ang inabot ng komite bago tinuldukan ang motu propio ivestigation sa 2020 annual audit report ng Commission on Audit, kung saan napuna ang paglilipat ng P42 billion COVID-19 pandemic funds ng Department of Health (DOH) sa PS-DBM.

Tinapos na ng chairman ng komite na si DIWA party-list Rep. Michael Aglipay ang naturang imbestigasyon kasunod nang pagharap ni Krizle Mago ng Pharmally Pharmaceuticals Corp., na noong Sabado lang ay humingi ng protective custody sa Kamara.

Sa kanyang opening statement, sinalungat ni Mago ang mga nauna nitong pahayag sa kontrobersiyal na pagbili ng pamahalaan ng pandemic supplies mula sa Pharmally.

Handa aniya siyang maharap sa kasong perjury matapos igiit ngayon na kaya lamang niyang nasabi sa imbestigasyon ng Senado na dinaya o na-swindle nila ang pamahalaan dahil noong mga panahon na iyon ay emosyunal at nakaranas siya ng pressure sa aniya’y traumatic experience na ito.

Mariing pinabulaanan din niya na damaged o sira na ang mga face shields na binili sa kanila ng pamahalaan, pero inamin na nagkaroon ng kalituhan sa production certificates.

Iginiit naman ni Mago na bagama’t hindi medical grade ang face shields na ibinenta nila sa gobyerno ay pasok naman ito sa Technical Specifications ng Department of Health.

Ang mga bagong pahayag na ito ni Mago ay kabaligtaran ng kanyang naging testimonya sa Senado noong Setyembre kung saan sinabi niyang binago nila ang expiration dates ng kanilang face shields.

Sa kabilang dako, nanindigan ang ilang miyembro ng komite tulad na lamang nina Deputy Speaker Rodante Marcoleta at Surigao 2nd District Rep. Johnny Pimentel na walang overpricing sa mga biniling pandemic supplies ng pamahalaan mula sa Pharmally.

Patunay na anila rito ang naging testimonya ni COA chairman Michael Aguinaldo.

Gayunman, sinabi ni Aglipay na sa susunod na 60 araw inaasahan na mailalabas na nila ang kabuuan ng kanilang committee report.