-- Advertisements --
image 352

Nangako ang House of Representatives na tuloy-tuloy ang kanilang pangangalap ng tulong sa mga residenteng labis na naapektuhan ng bagyong Paeng.

Ayon kay Speaker Martin Romualdez, sa ngayon ay papalo na sa P35 million na halaga ng assistance ang kanilang natipon para sa mga biktima ng Severe Tropical Storm Paeng.

Kabilang sa mga kumilos na para sa naturang tulong ang House members na pinangunahan ni Ako Bicol party-list Representative at House appropriations committee chair Zaldy Co.

Nakipag-ugnayan na rin daw sila sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) maging sa Office of the Civil Defense (OCD), Department of National Defense (DND) at iba pang departmento at mga ahensiya para masiguro ang well-coordinated relief drive para sa mga biktima ng bagyo.

Tiniyak din ni Romualdez na suportado nila ang national government initiatives para sa relief at recovery efforts sa mga lugar na apektado ng bagyong Paeng.

Tuloy-tuloy na rin daw ang pakikipag-ugnayan ng mga ito sa Departments of Health (DOH), Education (DepEd), Interior and Local Government (DILG), Public Works and Highways (DPWH), Trade and Industry (DTI), Energy (DOE), Transportation (DOTr) at Information and Communications Technology (DICT) para makita ang mas malinaw na itsura ng epekto ng bagyo sa mga Pinoy.

Nangako itong magiging responsive ang House of Representatives sa pangangailangan ng mga concerned government agencies sa pagtugon sa mga kalamidad sa pamamagitan ng pagsasapinal sa panukalang 2023 national budget.

Kasabay nito, nanawagan na rin ang mambabatas sa lahat ng private sector na makilahok na rin sa relief drive.