Pinapabilis ng House Speaker Faustino Dy III, ang pagpasa ng mga panukalang batas para tugunan ang tumataas na presyo ng langis, na inaasahang handa na pagbalik ng sesyon sa Mayo 4.
Pinamumunuan ito ng LEAD Council, isang grupo ng mga komite na naglalayong maglatag ng agarang tulong at pangmatagalang reporma habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo, tuloy ang trabaho ng mga mambabatas kahit naka-break ang Kongreso upang matiyak na may konkretong solusyon agad sa pagbubukas ng sesyon.
Kabilang sa mga panukala ang suporta sa electric vehicles at iba pang alternatibo sa fossil fuels, pati pagbibigay ng insentibo upang makahikayat ng pamumuhunan mula sa pribadong sektor.
Layunin ng Kamara na maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis at mapatatag ang sektor ng enerhiya sa bansa.
















