-- Advertisements --

Sumalang na sa plenaryo ang House Bill 4488 o 2023 General Appropriations Bill at sa kasalukuyan nagpapatuloy ang mainit na debatehan sa plenaryo.

Unang sumalang sa interpelasyon ay si Rep. Edcel Lagman ng independent minority, sinundan ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, Kabataan Partylist Raoul Manuel at BH PL Rep. Bernadette Herrera.

Sa sponsorship speech naman ni Appropriations Committee Chair Elizaldy Co hinimok niya ang kapwa mga mambabatas para sa maagap na pag-pasa sa P5.268 Trillion budget ng bansa sa susunod na taon upang makamit 8 point economic agenda ng Marcos administration at umunlad ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sa nasabing halaga, P4.259 trillion ang nakalaan para sa operasyon ng national government. P3.671 T dito ang programmed habang P588 billion naman ang unprogrammed.

Sa talumpati naman ni Appropriations Senior vice Chair Stella Quimbo na ang panukalang pambansang pondo ang unang hakbang para sa pagkamit ng inilatag na Medium Term Fiscal Framework or MTFF ng Marcos administration na layong lumikha ng mas maraming trabaho at masugpo ang kahirapan.

Nag mosyon naman si Minority Leader Marcelino Libanan na hindi isara o iterminate ang period of interpellation para sa mga ahensiyang sasalang sa deliberasyon hanggat hindi pisikal na dadalo ang kanilang mga kalihim.

Napansin kasi ni Libanan na absent ang mga kalihim ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na kinabibilangan ng Dept of Finance, Dept of Budget and Management, NEDA at Bangko Sentral ng Pilipinas.

Paliwanag ni Quimbo, kabilang sa official delegate ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Estados Unidos sina DBM Secretary Amenah Pangandaman, Finance Secretary Benjamin Diokno, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla, at NEDA Secretary Arsenio Balisacan.

Sa 2023 budget, 852.8 billion pesos ang inilaan sa sektor ng edukasyon, partikular sa ligtas na pagbabalik face-to-face classes, pagpapatayo at rehabilitasyon ng school facilities at educational assistance.

301 billion pesos naman ang inilaan sa health sector kung saan kasama ang pondo apra sa bakuna at healthcare worker benefits. Ang agricultura at agrarian reform ay pinaglaanan ng 184.1 billion pesos habang 512.2 billion pesos ang para sa social protection programs tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Batay sa schedule ng House Committee on Appropriations, ang mga debate ay tatagal hanggang Sept. 28, 2022.

Para sa araw na ito, kabilang sa naka-iskedyul na departmento/ahensya ay ang Department of Finance, NEDA, Office of the Ombudsman, Commission on Human Rights, Commission o Elections, Department of Science and Technology at iba pa.

Gaya ng naunang pahayag, target ng Mababang Kapulungan na mapagtibay ang GAB bago mag-recess ang Kongreso sa Oktubre.