Handa ang Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa special session na maaring ipatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte para masolusyunan ang patuloy na tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo, ayon kay Speaker Lord Allan Velasco.
Iginiit ni Velasco na salig sa Saligang Batas ang kapangyarihan ng isang pangulo na magpatawag ng isang special session anumang oras.
Kahapon, nagsagawa ng pagdinig ang Fuel Crisis Ad Hoc Committee ng Kamara para talakayin ang mga hakbang na tatahakin ng pamahalaan para mapahupa ang sumisirit na presyo ng langis dulot ng Russia-Ukraine war.
Napag-usapan ng kahapon ng Ad Hoc Committee ang epekto ng fuel crisis sa inflation, trade at comodity prices, agriculture, supply at demand, at transport sector.
Nauna nang inanunsyo ng pamahalaan na inihahanda na nila ang release ng P2.5 billion para sa subsidy program sa pamamagitan ng fuel vouchers na ibibigay sa mga qualified members ng public tranport sector, pati na rin ang P500 million na fuel discounts para naman sa mga magsasaka at mangingisda.
Sinabi rin ng National Economic Development Authority (NEDA) na balak nilang doblehin ang subsidiyang ito kung saan ang P2.5 billion ay gagawin nang P5 billion at ang P500 million naman ay gagawing P1.1 billion.