Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang House of Representatives sa magiging hakbang ng Senado para isulong ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Ito ang reaksiyon ni Deputy Speaker at Quezon Rep. Jay Jay Suarez hinggil sa mabagal na hakbang ng Senado.
Sinabi ni Suarez na magandang pagkakataon ang paparating na Semana Santa upang makapagnilay-nilay ang mga senador ukol sa kahalagahan ng pag-amiyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Dagdag pa ni Suarez na maaaring samantalahin ang Holy Week break upang manalangin at humingi ng gabay para mapagpasyahan ang pagpasa sa Resolution of Both Houses Numbers 6 at 7.
Ipinunto ni Suarez na sa huli ay taumbayan naman ang magdedesisyon sa pamamagitan ng plebisito habang malinaw na nakikita sa business community ang pagkasabik sa planong alisin na ang restrictions sa economic provisions ng Saligang Batas.
Isa umano sa posibleng paraan ang pagdiretso sa Commission on Elections ngunit mas makabubuting makipagtulungan sa Senado upang maiwasan ang anumang “legal obstacles” na kakaharapin ng Charter amendments sa Korte Suprema.