Pasado na sa Kamara de Representatives ang panukala para gawing isang regular na campus ang extension campus ng Eastern Samar State University (ESSU) sa bayan ng Arteche Eastern Samar.
Walang tumutol at nakakuha ng 222 pabor na boto ang House Bill (HB) No. 9772, o ang panukalang “Eastern Samar State University-Arteche Campus Act.”
Binigyan-diin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, isa sa pangunahing may akda ng panukala, ang malaking epekto ng panukala sa pagsusulong ng edukasyon at pag unlad sa rehiyon.
Kasama sa mga may-akda ng panukala sina Representatives Yedda Marie Romualdez and Jude Acidre (Tingog Party-list), Maria Fe Abunda (Eastern Samar), Mark Go (Baguio City), at apatnapu’t dalawang iba pa.
Ayon kay Rep. Yedda Romualdez inaasahan na tututok ang campus sa mga kasanayan at specializations na kailangan para sa pagpapaunlad ng rehiyon.
Binigyang halaga nito ang papel ng ESSU-Arteche Campus sa pagsulong ng socio-economic pag-unlad sa pamamagitan ng pagsasaliksik, extension services, and production activities.
Sa ilalim ng panukala, ang campus ay pamamahalaan ng Campus Administrator ng Board of Regents.
Nakalatag na rin sa panukala ang pagtalima sa panuntunan ng Commission on Higher Education (CHED) pagdating sa paglilipat ng assets, personnel, at records mula sa extension campus patungo sa ESSU.
Ang Munisipalidad ng Arteche muna ang sasagot sa kakailangang pondo para sa transition at operasyon ng extension campus hanggang sa maisama ang kailangan nitong pondo sa taunang General Appropriations Act ng national government.
Ipapadala naman ang panukala sa Senado para sa pagtalakay at pag-apruba ng mga senador.