VIGAN CITY – Nanindigan ang isang mambabatas laban sa mga kritiko ng panukalang pagbabalik ng death penalty bilang parusa sa mga kriminal sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Ilocos Sur Rep. Deogracias Victor Savellano na hindi patitinag ang kanilang hanay sa Kamara sa pagsuporta sa panukalang batas na nais din ipatupad ng pangulo.
Malaki raw ang paniniwala nila ng mga kapwa mambabatas sa parusang kamatayan dahil magmimitsa raw ito ng takot sa publiko na lumabag sa batas.
Pero para sa Commission on Human Rights (CHR) hindi sagot ang bitay para tuluyang masugpo ang krimen sa bansa.
Sinabi ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia, lalo lang madadagdagan ang mga kriminal sa bansa kapag itinuloy ang panukala.
Wala rin naman daw pag-aaral o ebidensyang makapagsasabi na tugon ang panukalang batas para matigil ang krimen sa Pilipinas.