Nanatiling kalmado ang Kamara kahit wala sa bansa si Vice President Sara Duterte habang nakatakdang magsimula ang kanyang impeachment trial sa Senado.
Ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante ngayong Hunyo 10, may mga probisyon sa impeachment rules na sumasaklaw sa ganitong sitwasyon. Ang mahalaga aniya ay masimulan na ng Senado ang paglilitis para malinaw na rin ang susunod na hakbang.
Kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) na nasa Malaysia si VP Duterte para sa personal na biyahe kasama ang pamilya, ilang araw bago ang pag-upo ng Senado bilang impeachment court sa Hunyo 11. Inaasahang dadalo si Duterte sa Independence Day celebration sa Kuala Lumpur sa Hunyo 12 at magkakaroon ng konsultasyon sa mga OFW.
Dagdag ni Abante, may nakasaad sa impeachment rules kung paano ihahatid ang abiso sa akusado kahit wala ito sa bansa.
Noong Pebrero 5, inaprubahan ng Kamara ang impeachment laban kay Duterte dahil sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential at intelligence funds sa OVP at DepEd. Kapag napatunayang guilty, matatanggal siya sa puwesto at hindi na maaaring humawak ng pampublikong posisyon.(REPORT BY BOMBO JAI)