-- Advertisements --

Ipinagmalaki ni Speaker Martin Romualdez na halos tapos na ng House of Representatives ang lahat ng priority bills na kailangan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at napagkasunduan na isabatas ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Ito ang sinabi ni Speaker Romualdez isang araw bago ang muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Lunes.

Ayon kay Speaker, tatlong panukala na lang aniya ang nalalabi at kailangan aprubahan at isa sa mga ito ang isasalang na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara.

Dagdag pa ni Romualdez, nakatakdang aprubahan ng Kamara ang House Bill (HB) No. 9713, o, “An Act institutionalizing a Philippine self-reliant defense posture program and promoting the development of a national defense industry pursuant thereto.”

Sinabi ni Speaker Romualdez kailangan ng bansa ng isang matatag na programang pang-depensa at industriya upang magkaroon ng sariling pagawaan ng mga armas ang bansa at hindi na kailangang umasa pa sa ibang bansa.

Ang tatlong LEDAC bills ay ang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act, na isinasapinal na ng technical working group at ang Budget Modernization Bill, at ang National Defense Act.

Isa pang panukala na prayoridad ng Kamara na nakatakdang aprubahan nito ay ang HB No. 9571, o, “An Act prohibiting the development, production, stockpiling, and use of chemical weapons, providing for their destruction, and imposing penalties for violations thereof.”

Mayruong 11 panukala na kabilang sa prayoridad ng Kamara ang nakasalang sa deliberasyon sa plenaryo at komite.

Ipinunto naman ni Romualdez na nararamdaman na ngayon ng taumbayan ang benepisyo ng mga LEDAC bills na inaprubahan ng Kongreso at nilagdaan ng Pangulo.

Isa na nga rito ang P5.768 trilyon na pambansang pondo ngayong 2024.

Ito aniya ang pinakamahalagang lehislasyon na inaaprubahan ng Kongreso at nilalagdaan ng Pangulo kada taon.

Inihayag ni Romualdez, na dito kinukuha ang pondo na itinutulong sa mga mahihirap, near poor, mga walang trabaho, underemployed, nakatatanda, mga indibidwal na nasa crisis situation, tsuper ng mga jeep, indigent students, may sakit, at iba pang nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno.