Tiniyak ng ilang mambabatas na hindi magiging rubber stamp o sunud-sunuran lamang ang Kamara sa administrasyon sa oras na ipanalo ng mga miyembro ng Kamara ang mga kandidatong inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte sa speakership race.
Ayon kay ABONO Party-list Rep. Conrado Estrella III, malabong maging rubber stamp ang mababang kapulungan ng Kongreso gayong maraming mga neophyte congressmen sa pagpasok ng 18th Congress.
Marami na rin aniyang mga kongresista ang independent kung mag-isip kaya malabong mangyari na maging sunod-sunuran silang mga kongresista sa magiging dikta o ninanais ng Pangulo.
Lumutang ang issue sa posibleng pagiging rubber stamp ng Kamara matapos na ianunsyo ni Pangulong Duterte ang term sharing sa pagitan nina Taguig City Rep. Allan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco sa speakership post.
Para kay Estrella, nais lamang ni Pangulong Duterte na maresolba ang mainit na speakership race kaya ito nagsalita na ukol dito.
Hindi rin aniya makakabuti sa kapulungan kapag hindi nagkakaisa ang bawat miyembro dahil makakaapekto ito sa pagsusulong ng mga mahahalagang batas gaya ng sa pagproseso sa pambansang pondo na may malaking epekto naman sa ekonomiya at mismong sa publiko.