-- Advertisements --

Isang special committee ang binuo ng liderato ng Kamara para labanan ang red tape at korapsyon sa pamahalaan.

Sinabi ng isang source na si House Majority Leader Martin Romualdez ang siyang tatayong chairman ng binuong Special Committee on Red Tape.

Magiging miyembro naman aniya ng komite sina House Committee on Appropriations chairman Joey Sarte Salceda, House Committee on Economic Affairs chairman Rep. Sharon Garin, House Committee on Public Accounts chairman Mike Defensor at House Committee on Good Government and Public Accountability chairman Jonathan Sy Alvarado.

Ayon sa source, layunin ng komite na ito na maisulong ang mga panukalang batas na magsasawata sa red tape at korapsyon sa pamahalaan.

Posible aniya na si Pangulong Rodrigo Duterte ang unang resource person na sasalang sa komite.

Nauna nang sinabi ni Sen. Bong Go na handa si Pangulong Rodrigo Duterte na dumalo sa mga congressional hearings sakaling ipatawag siya sa magiging deliberasyon sa mga panukalang batas kontra red tape at korapsyon.

Ayon sa source, hangad ng komite na makakuha ng direksyon mula sa Pangulo patungkol sa mekanismo nang pagbabayad ng buwis sa bansa, pagnenegosyo, procurement, public service delivery at trade.

Kamakailan lang ay nakipagpulong si Speaker Alan Peter Cayetano kay Pangulong Duterte kasama sina Romualdez, Senate President Vicente Sotto III, at Go para pagusapan ang red tape at korapsyon sa pamahalaan.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Cayetano na target nilang wakasan ang problema sa red tape bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa 2022.

Binigyan diin ng lider ng Kamara na malinaw para kay Pangulong Duterte na kalaban ang red tape lalo na ngayong may pandemya.