-- Advertisements --

KALIBO, Aklan–Nagpapatuloy ang kasiyahan sa week-long celebration ng Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-atihan Festival 2023.

Sa katunayan, dagsa ngayon ang libo-libong deboto at turista sa bayan ng Kalibo upang masaksihan ang iba’t-ibang event at kompetisyon na inorganisa ng lokal nga gobyerno.

Punuan na rin ang mga hotels, apartment at inn dahil sa dami ng mga bookings na nagsimula pa noong nakaraang taon.

Noong araw ng Lunes, nasaksihan ang pagperform ng iba’t-ibang grupo na nakilahok sa Balik Patik Battle of the Ati-atihan Bands. Kinabibilangan ito ng Eleven Five, Hotshots band, Vigilants, Kamicazin, Kumporme, Whatever at Aklanon troopers. Dito nasaksihan ang mga orihinal na pagpatik o tunog ng Ati-atihan kung saan todo effort rin ang bawat grupo sa kanilang suot na costume at dance steps.

Samantala, kinoronahan naman kagabi bilang kauna-unahang Binibining Kalibo Ati-atihan 2023 si Avery Mariane Sucgang; 1st runner up si Rowan Mariz at 2nd runner up naman si Jouella Kaye Requiro.

Naroon rin sa ginanap na koronasyon ang mga artista na sina Sanya Lopez at Paul Salas.

Sa kabilang dako, kaninang umaga ay nagapakitang gilas naman mga guro mula sa 19 district offices ng Department of Education (DepEd)-Aklan para makilahok sa taunang Sinaot sa Calle.

Kanya-kanyang pakulo rin ang mga guro sa kanilang dance performance at costume sa ground ng Kalibo Pastrana Park.

May ilan rin sa kanila na nagdala pa ng imahe ng Sto. Niño upang ipakita ang kanilang debosyon.

Mamayang gabi at sa mga susunod na araw ay asahan naman ang kaliwa’t kanang performance ng iba’t-ibang banda, rapper, artista at K-POP star na W.A.O mula Korea upang magbigay ng dagdag na saya sa kabuuan ng selebrasyon.