-- Advertisements --

Bagama’t ikinalulugod ni Senador Win Gatchalian ang desisyon ng European Union (EU) na patuloy na kilalanin ang mga Pinoy seafarers, nanindigan siyang patuloy ring dapat iangat ng bansa ang kalidad ng kanilang edukasyon at pagsasanay upang maging mas competitive ang ating mga seafarers.

Layon ng Senate Bill No. 822, na protektahan ang mga Pinoy seafarers at patatagin pa lalo ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng edukasyon at skills training.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Gatchalian, magiging mandato sa Estado na tiyakin ang magandang kondisyon ng mga seafarers pagdating sa kanilang trabaho.

Titiyakin din ng Estado na makatatanggap ang seafarers ng sapat na oportunidad na makapagtrabaho at mapalawak pa ang kanilang mga kakayahan.

Mandato rin ng Estado sa ilalim ng panukalang batas na siguruhin ang kapakanan ng mga pamilya ng mga seafarers.

Nagdesisyon kamakailan ang European Commission na patuloy nitong kikilalanin ang mga certificates ng mga seafarers mula sa Pilipinas.

Matatandaan na noong December 2021, nagbabala ang Komisyon na maaaring hindi na kilalanin ang mga certificates ng mga Pinoy na seafarers hangga’t hindi sumusunod ang bansa sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for seafarers (STCWt).