-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kalansay na nang matagpuan ang isang dalagita sa Guimaras matapos mawala ito sa loob ng dalawang buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Corporal Freddie Jallores, imbestigador ng Buenavista Municipal Police Station, sinabi nito na Agusto pa nang nagpa-blotter ang pamilya ng dalagita na si alyas Marie, 17, residente ng bayan ng Nueva Valencia, Guimaras dahil nawawala ito nang pansamantalang manatili sa San Nicolas, Buenavista, Guimaras.

Ayon kay Jallores, maliban sa natagpuang kalansay, nakita rin sa lugar ang underwear, pink na blouse, at shorts na pagmamay-ari ng biktima.

Sumuko naman sa mga otoridad ang boyfriend ng biktima na si Alexander Canonigo, 21-anyos, residente ng San Nicolas, Buenavista, Guimaras.

Inamin ng suspek na nag-away sila ng biktima at aksidente nitong nasakal ang dalagita hanggang nahimatay at sa pag-aakalang patay na ito, isinilid niya ito sa sako at inilibing.

Sa ngayon, patuloy pa na iniimbestigahan ng otoridad kung may nangyaring panggagahasa bago pinatay ang biktima.