Defensor tinawag na ‘immature’ si Speaker Velasco matapos siyang sibakin nito bilang Vice Chair ng ilang komite sa Kamara
Binanatan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor si House Speaker Lord Allan Velasco kasunod nang pagkakatanggal sa kanya bilang vice chairman ng ilang komite sa Kamara.
Sa isang statement, sinabi ni Defensor na maaring tumatayong Speaker si Velasco pero kulang naman aniya ito nang kakayahang mamuno sa Mababang Kapulungan.
Maari rin aniyang Lord ang pangalan ni Velasco, pero iginiit ni Defensor na kulang naman ito sa wisdom at good judgment para tukuyin ang wastong daan para sa Kamara.
Sa halip kasi aniyang pinag-iisa ni Veleasco ang mga miyembro ng Kamara ay lalo pa nitong hinahati.
Gayunman, hindi na raw ikakagulat pa ni Defensor kung sisibakin na rin siya ni Velasco bilang vice chairman ng Committees on Legislative Franchises at Welfare of Children.
Pero masasabi raw niya na kahit wala na siyang posisyon sa mga komite ng Kamara ay patuloy pa rin siyang pagtatrabaho sa kabila ng aniya’y “immature” at hindi pinag-isipang mga hakbang ni Velasco.
Dagdag pa ni Defensor, proud siya sa trabahong kanilang napagtagumpayan nang siya ay vice chairman pa ng ommittees on Health, Good Government and Public Accountability, Dangerous Drugs, on Public Information, at Strategic Intelligence.
Bukod kay Defensor, sinibak din kahapon bilang vice chairman sa ilang komite ng Kamara ang isa pang kilalang kaalyado ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na si Rep. LRay Villafuerte.