
Todo paliwanag ngayon ang Department of Agriculture’s (DA) sa kanilang direktibang pansamatalang ipatigil ang pagbebenta ng mas murang sibuyas sa mga Kadiwa stores simula ngayong araw.
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista, nagtapos na raw kasi ang kanilang memorandum of agreement sa Food Terminal Inc. (FTI) na siyang supplier ng sibuyas noon pang December 31, 2022.
Ani Evangelista, sisiguraduhin daw muna nilang mayroong supplemental memorandum of agreement (MOA) sa Food Terminal Incorporated para sa ikalawang yugto ng pagbebenta ng mas murang sibuyas sa mga Kadiwa stores.
Ang unang cycle daw kasi ay ubos na rin o sold out na kaya naman tuloy-tuloy na ang pakikipag-ugnayan ng Agriculture department sa mga opisyal ng Food Terminal Inc. para sa susunod na suplay.
Ikinokonsidera na rin daw ng DA na bababa na ang presyo ng sibuyas sa mga susunod na linggo.
Kaya naman umaasa si Evangelista na mas mura na ang maibebentang sibuyas sa mga Kadiwa stores sa mga susunod na araw.
Sa ngayon, patuloy na rin umanong mino-monitor ng DA ang farm-gate price ng sibuyas.
Nakatanggap daw kasi sila ng mga report na naibebenta na ito sa P210 hanggang P250 kada kilo.
Kung maalala, pumapatak lamang sa P170 ang kada kilo ng sibuyas sa Kadiwa stores kumpara sa P600 hanggang P700 na kada kilo nito sa ilang pamilihan sa Metro Manila.










