-- Advertisements --

rowena guanzon 1

Umapela si Kabataan Party List Rep. Raoul Manuel sa pamunuan ng Kamara na kilalanin at paupuin si dating Commission on Elections Commissioner at P3PWD patylist first nominee Rowena Guanzon, bilang miyembro ng 19th Congress.

Sa kanyang privilege speech, ipinunto ni Manuel na dapat na palakasin ang representasyon ng marginalized sector gaya ng person with disabilities o PWDs, sa pamamagitan ng pagpapaupo kay Guanzon sa Kamara.

Sinabi ni Manuel na si Guanzon at ang P3PWD partylist, ay kapwa naiproklamang panalo sa nagdaang halalan nuong May 2022.

Dahil dito mag walong buwan nang bakante ang pwesto ng P3PWD Party List sa House of Representatives.

Punto ni Manuel, ang bawat buwan na kawalan ng kinatawan ng nasabing partylist ay nagdudulot ng hindi mababawing “disenfranchisement” sa hanay ng PWDs.

Naniniwala si Manuel na “moot and academic” ang inilabas na temporary restraining order o TRO nng Korte Suprema laban sa proklamasyon kay Guanzon at P3PWD.

Paliwanag ng Makabayan bloc solon, ang isang tao para maging parte ng Kamara ay kailangan ng tatlong bagay: proklamasyon, oath of office at assumption of office na pawang nagawa ng P3PWD na na-proklama noong June 22, 2022 at kinilala ng Comelec ang first nominee.

Si Guanzon ay nag-assume office na rin noong June 30, 2022, kaya sa makatuwid siya ay miyemro ng Kamara at dapat na makibahagi sa mga sesyon at aktibidad.

Ang isyu na kinasangkutan ni Guanzon ay dapat maresolba ito sa House of Representatives Electoral Tribunal o HRET.