-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Dismayado ang mga progresibong grupo at maging ang ilang partylist sa naging resulta ng mahaba-habang deliberasyon ng Senado kasunod sa kanilang pagconvene bilang impeachment court upang talakayin ang articles of impeachment laban kay vice president Sara Duterte, araw ng Martes.

Ito ay matapos na napagkasunduan ng Senado sa botong 18 ang sumang-ayon, lima ang tumutol at walang nag-abstain na ibalik sa Kamara ang impeachment complaint laban sa bise presidente.

Ayon kay Kabataan partylist spokesperson Atty. Rennee Co, kinokondina nila ang unconstitutional na hakbang ng Senado at maliwanag pa sa sikat ng araw na delaying tactics ang kanilang ginagawa.

Malakas aniya ang kanilang panawagan na gawin ang lahat upang maipagpatuloy ang impeachment trial ngunit ang nangyari ay kabaliktaran sa kanilang nais at apela kung kaya’t dismayado ang mga ito sa ginawa ng mga opisyal ng Senado.

Ayon pa kay Atty. Co, inaasahan nilang mga kabataan na sa pamamagitan ng impeachment trial ay mapanagot ang bise presidente sa mga anomaliyang ginawa nito nang siya pa ang kalihim ng Department of Education at ang walang habas na paggasta ng kaniyang confidential fund sa ilalim ng kaniyang pamumuno sa Office of the Vice President.

Sa kabila nito, patuloy silang kikilos at umaasa pa rin na iiral ang batas laban sa pangalawang pangulo dahil sapat aniya ang mga inilahad na ebidensya na isinampa sa impeachment case.