Otomatiko na umanong suspendido ang klase mula kindergarten hanggang Grade 12 maging ang trabaho sa public schools kapag nakataas ang storm warning signal sa kanilang mga lugar.
Base sa revised DepEd Order (DO) 37 na pirmado ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, kapag may mga bagyo, ang mga in-person at online classes, trabaho at Alternative Learning System (ALS) ay suspendido sa mga paaralan na matatagpuan sa mga lugar kung saan nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) 1, 2 ,3, 4 o 5.
Sa ngayon, ang TCWS mula 1 hanggang 5 ay nakataas na sa maraming lugar sa bansa dahil sa Super Typhoon Karding.
Samantala, ang klase at work suspension sa kindergarten hanggang Grade 12 ay ipatutupad din sa mga paaralang nasa ilalim ng Orange o Red Rainfall Warning o Flood Warning mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Pero sinabi naman ng DepEd na ang mga local chief executives ay may kapangyarihang magdesisyon kung isususpindi o hindi kung ang kanilang mga local government unit (LGU) ay nasa ilalim ng Yellow Rainfall Warning mula sa state weather bureau.
Minamandato rin ng DO 37 na kapag ang TCWS, Rainfall Warning o Flood Warning ay inisyu kapag nagsimula na ang klase ay kailangang suspendehin kaagad ang klase at trabaho.
Kailangan daw pauwiin ang mga lahat sa kanilang mga bahay kapag ligtas pa silang makakauwi.
Pero obligado naman ang mga paaralan na kupkupin muna ang mga estudyante at personnel sa loob ng paaralan kapag hindi ligtas ang bumiyahe.
Binigyan din ng direktiba ang mga local chief executives na magdesisyon sa suspension ng klase kapag mayroong malakas na hangin, torrential rains o pagbaha sa ilang lugar o lahat ng areas ng mga LGU na hindi sakop ng Pagasa warning.