-- Advertisements --
SOJ BOYING REMULLA

Iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla noong Biyernes, Setyembre 23, na dapat payagan ng bansa ang mga lehitimong Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na magpatuloy sa operasyon “ngunit kailangang ayusin ang lahat.”

Nag-react si Remulla sa mga panawagan na ipagbawal ang mga POGO sa Pilipinas, kung saan sinabi ng kalihim na hindi siya tutol.

Ngunit sinabi niya na ang pagbabawal ay maaaring makaapekto nang husto sa ekonomiya ng bansa.

Aniya, kailangang i-phase out ang mga ito sa paraang may pinakamaliit na pinsala sa ating ekonomiya.

-- Advertisement --

Tiniyak ni Remulla na ginagawa ang mga pagsisikap upang hindi mauwi sa “humanitarian crisis” ang pag-aresto sa mga overstaying Chinese POGO workers para sa deportasyon.

Aniya, nasa 40,000 overstaying Chinese POGO workers sa bansa matapos kanselahin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang permit to operate ng 216 POGOs.

Hindi rin aniya gugustuhin ng bansa na magkaroon ng malaking bilang ng mga overstaying na dayuhan.

Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng China, sa pamamagitan ng Embahada nito sa Maynila, upang matiyak ang maayos na pagpapatapon ng mga overstaying Chinese nationals.