Inatasan ng House Committee on Justice ang Philippine Statistics Authority (PSA) na magsumite ng mga opisyal na rekord upang maberipika ang pagkakakilanlan ng mga benepisyaryong nakalista sa ilalim ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ang hakbang na ito ay bahagi ng nagpapatuloy na pagdinig para sa impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Sa pamamagitan ng isang subpoena ad testificandum et duces tecum ay inatasan ng komite si National Statistician at PSA Chief Claire Dennis S. Mapa na humarap sa pagdinig sa Abril 14, 2026.
Inubliga rin ang opisyal na magsumite ng mga sertipikasyon mula sa Civil Registry System ng PSA.
Partikular na hinihingi ng subpoena ang mga orihinal na kopya ng sertipikasyon para sa Certificate of Live Birth, Certificate of Marriage, at Certificate of Death ng ilang pangalang natagpuan sa mga dokumentong isinumite ng OVP at DepEd. Matatandaang unang kinuwestiyon ng yumaong mambabatas na si Romeo Acop ang pangalang Mary Grace Piattos na lumabas bilang isa sa mga umano ay benepisyaryo ng nasabing pondo.
Ayon sa komite ay krusyal ang testimonya ng PSA upang mapatunayan kung ang mga nakalistang tumanggap ng pondo ay may mga beripikadong rekord o kung sadyang walang tala ng kapanganakan, kasal, o kamatayan ang mga ito.
Kasama sa mga dokumentong kailangang isumite ay ang mga sertipikasyong may petsang Disyembre 8 at Disyembre 11, 2024.










