-- Advertisements --

Hindi makapaniwala si Judy Ann Santos sa iginawad na best actress award ng 41st Cairo International Film Festival na ginanap kagabi, (Saturday morning, Ph time) sa Cairo Opera House sa Egypt.

Ito’y kahit pa kilalang batikang aktres si Juday sa Pilipinas.

Nasungkit nito ang nasabing parangal para sa kanyang papel sa “Mindanao,” ang pelikula ni Direk Brillante Mendoza na official entry rin sa 45th Metro Manila Film Festival na magsisimula sa darating na December 25.

“Gusto kong isiping nananaginip lang ako.. baka hindi pa ko gising siguro? 😅 in denial pa ko sa simula.. pero nung si direk brillante na ang nag text sa akin.. unti unti na kong natauhan at naiyak.. grabe! Sa malamang habang tinatawag ang pangalan ko sa egypt.. kasalukuyan kong iniiskoba ang sahig ng kusina ko sa angrydobo.” saad ng misis ni Ryan Agoncillo.

Dagdag pa ng 41-year-old actress, hindi pa man natatapos ang 2019 ay binusog na siya ng Diyos sa napakaraming bagong karanasan sa larangan ng show business.

Si Judy Ann ang pangalawang Pinay actress na nagwaging best actress sa Cairo International Film Festival, una ay si Nora Aunor noon pang 1995 para sa pelikulang “The Flor Contemplacion Story.”

Samantala, best actor naman sa nabanggit na festival ang Mexican actor na si Juan Daniel Garcia Trevino para sa role nito sa “I’m No Longer Here.”