Nakalatag na ang plano ng Joint Task Force Sulu ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa pagpapatupad ng seguridad sa nalalapit na halalan sa lalawigan.
Ito ang siniguro ni JTF Sulu at 11th Infantry “Alakdan” Division Commander MGen. Ignatius Patrimonio sa isinagawang “final coordinating conference for the conduct of National and Local Election (NLE) 2022” sa Patikul, Sulu.
Ang pagpupulong ay pinangunahan ni Commission on Election Acting Provincial Election Supervisor Atty. Udtog Tago, at dinaluhan ng mga municipal election officers, at mga lokal na opisyal ng pamahalaan, PNP at AFP.
Sa pagpupulong, inihayag ni MGen. Patrimonio ang buong suporta ng militar sa Comelec at mga kinauukulang ahensya sa pagdaraos ng isang mapayapang halalan sa Mayo 9.
Tiniyak pa ng Heneral na nagsasagawa na ng pre-emptive measures ang militar kabilang ang pinaigting na focused-military operations at civil-military cooperations para ma-neutralisa ang mga nalalabing teroristang Abu Sayyaf ASG na maaring manggulo sa eleksyon.