Isinulong ng liderato ng Kamara de Representantes ang magkakasamang imbestigasyon ng apat na komite kaugnay ng iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at mga krimeng kaugnay nito, bentahan ng iligal na droga, at ang madugong war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.
Ang hakbang na ito ay inisyatibo ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na nag-privilege speech upang pagsama-samahin ang magkakahiwalay na imbestigasyon ng mga komite matapos matukoy na magkaka-ugnay ang mga ito.
Inihain nina Rep. Joel Chua ng Manila at Rep. Patrick Michael Vargas ang House Resolution No. 1843 na nagmumungkahi na pag-isahin ang mga imbestigasyon ng tatlong komite – ang Dangerous drug, Public order and safety, at Human rights.
Iminungkahi naman ni Rep. Gerville Luistro ng Batangas ng talakayin sa plenaryo ang resolusyon na isama sa joint investigation ang committee on Public accounts.
Ang privilege speech ni Gonzales, Resolution No. 1843, at mungkahi ni Luistro ay ipinadala sa Rules committee na pinamumunuan ni Majority Leader Manuel Jose Dalipe para sa kaukulang aksyon.
Sinabi ni Gonzales na ang bansa ay kasalukuyang nahaharap sa mga usaping may kinalaman sa public order, paglaganap ng ilegal na droga, at paglabag sa karapatang pantao.
Ang imbestigasyon sa pagkakasamsam ng droga ay nag-ugat sa ng dalawang resolusyon na inihain nina Gonzales at Zambales Rep. Jefferson Khonghun. Ang kargamento ay naipuslit sa bansa sa pamamagitan ng Subic Freeport.
Ang committee on human rights naman ang nagsimula ng pagdinig sa EJK at paglabag sa karapatang pantao na iniuugnay sa anti-drug campaing ng administrasyong Duterte.
Ang privilege speech ni Alliance of Concerned Teachers Party-list Rep. France Castro at Resolution No. 14 na isinampa ni Kabataan Rep. Raoul Danniel Manuel ang dahilan sa imbestigasyon ng human rights panel.
Ayon pa sa mambabatas ang magkakahiwalay na imbestigasyon ay nagpakita ng pagkakapareho ng mga sangkot na indibidwal.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa isang nagkakaisa at magkasanib na pamamaraan sa pagtukoy sa mga magkaugnay at lumilitaw na problema at isyu.
Sinang-ayunan din ni Barbers, chairman ng committee on dangerous drugs ang mungkahing pagsasama-sama ng mga kasalukuyang imbestigasyon.
Duda ang mambabatas mula sa Mindanao na sa kabila ng pagpapasara ng ilegal na POGO sa Bamban, Tarla, at Porac, Pampanga at pagkakasamsam ng malaking shipment ng shabu sa bayan ng Mexico noong 2023, ay mayroon pang secret criminal syndicate na namumuno sa mga ilegal na aktibidad na sinasabing napatigil ng mga awtoridad.
Ilang mga Chinese national ang pinaghihinalaang nasa likod ng ilegal na POGO at nasamsam na kontrabando sa bayan ng Mexico, na may kaugnayan kay Michael Yang, ang dating adviser ni dating Pangulong Duterte.
Wala ni isa sa mga isinasangkot na Chinese suspects ang dumalo sa pagdinig ng Kamara, kabilang na si Yang kaya ipinaaaresto na ang mga ito.