Sinimulan na ng National Task Force (NTF) against COVID-19 at National Vaccination Operations Center (NVOC) ang deployment ng unang batch ng Janssen anti-COVID vaccines sa Bangsamoro Autonomous Region on Muslim Mindanao (BARMM).
Ito’y matapos dumating na sa bansa ang nasa 3.2 million doses ng Johnson and Johnson-made vaccines mula sa US-COVAX donation.
Nasa kabuuang 30,000 doses ng single-shot vaccine ang dumating sa probinsiya ng Tawi-Tawi kahapon July 19, at ito ay iro-rollout sa munisipalidad ng Sitangkai, Turtles Island, at Mapun Island.
Nasa 30,000 Janssen doses din ang naideliver sa probinsiya ng Basilan.
Ayon kay NTF Chief Implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr sa 10 million doses ng anti-Covid 19 vaccines na natanggap ng Pilipinas ngayong buwan, higit 300,000 doses ang inilaan ng gobyerno sa BARMM na binubuo ng 150,000 Janssen vaccines, 19,500 COVAX-donated Astrazeneca vaccines, at 130,992 Sinovac vaccines.
Sinabi ni Galvez, commitment nila sa COVAX at sa US government na ang Johnson & Johnson vaccine supply ay ipamamahagi sa lahat ng rehiyon sa bansa lalo na sa BARMM na geographically-isolated islands at duon sa mga komunidad na naninirahan sa border ng bansa.
Siniguro naman ni BARMM Health Minister Basharay Latiph, na agad nila sisimulan ang pagbabakuna bukas, Miyerkules July 21,2021.
Magdedeploy din sila ng mga vaccinators sa mga nasabing island-provinces.
Sa pakikipagtulungan sa Wesmincom nasa 40,000 doses ng Janssen vaccine ang ipinadala sa Sulu ngayong araw gamit ang military aircraft.
Giit ng kalihim na magkakaroon pa ng shipment ng mga bakuna sa BARMM sa mga susunod na linggo.
Samantala, ngayong may na detect na Delta variant sa bansa, nananawagan si Galvez sa lahat ng mga LGUs at national government agencies na palakasin ang border control measures sa buong bansa lalo nasa BARMM na kalapit ng bansang Malaysia at Indonesia.
Sinabi ng kalihim na ang deployment ng one-shot Janssen vaccines sa probinsiya ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi ay mas lalong magpapalakas sa vaccine program at magbibigay ng full protection sa mga residente duon.