Ibinasura ng Sandiganbayan ang petisyon ng convicted pork barrel mastermind na si Janet Lim Napoles na nagpapa-suspinde sa presentasyon ng kanyang counter-evidence sa kasong plunder.
Batay sa resolusyon ng 5th Division na may petsang September 2, sinabi ng anti-graft court na bigo ang kampo ni Napoles na makapagpalutang ng bagong argumento para atasan ang prosekusyon na maghain ng Memorandum of Authority.
Iginiit kasi ng convicted plunderer sa kanyang huling mosyon na dapat magpaliwanag ang prosekusyon hinggil sa “void” charge sheet na inihain laban sa kanya noong 2014.
Naniniwala ito na makakatulong ang naturang dokumento para maaksyunan ng korte ang kanyang hiling na ibasura ang kaso.
Pero para sa Sandiganbayan, valid ang naturang charge sheet laban kay Napoles at kapwa akusadong si dating Sen. Jinggoy Estrada.
Dagdag pa ng korte, malinaw na si Estrada ang main plunderer sa kaso.
“The eyes are useless when the mind is blind. It is apparent that the information refers to Estrada as the mastermind of the PDAF (Priority Development Assistance Fund) scheme or the main plunderer,” ayon sa 5th Division.