-- Advertisements --

Isa nang ina ang Filipino-American singer na si Jessica Sanchez matapos niyang isilang ang kanilang panganay na anak na babae ni Rickie Gallardo na si Eliana Mae Gallardo.

Ibinahagi ni Jessica ang masayang balita sa kanyang Instagram nitong Sabado, Oktubre 18, kung saan makikita ang larawan ng sanggol at ang caption: “Eliana Mae Gallardo, October 13, 2025.”

Dagdag pa niya, “From one dream season to the next. This time, the most precious one yet.”

Ang panganganak ni Sanchez ay naganap mahigit dalawang linggo matapos niyang tanghaling kampeon sa “America’s Got Talent” Season 20. Sa kabila ng pagiging siyam na buwang buntis, itinuloy pa rin niya ang laban sa finals kung saan inawit niya ang “Die with a Smile” na pinagsamang kanta nina Bruno Mars at Lady Gaga.

Aminado si Sanchez na nag-alinlangan siyang ipagpatuloy ang kompetisyon dahil sa kanyang kondisyon, ngunit sa tulong ng suporta mula sa fans at staff ng show, matagumpay niyang nalampasan ang hamon.

Isang bagong yugto ng buhay ang binuksan para kay Jessica… mula sa tagumpay sa entablado, ngayon ay sa pagiging ina.