-- Advertisements --

Isang Japanese-owned liquefied natural gas (LNG) tanker ang matagumpay na nakatawid sa Strait of Hormuz, ayon sa Mitsui O.S.K. Lines, na kauna-unahang Japan-linked vessel na nakadaan sa naturang ruta mula nang magsimula ang kaguluhan sa Iran.

Kinilala ang barko bilang “SOHAR LNG,” na Panama-flagged ship. Ayon sa kompanya, ligtas ang lahat ng crew nito, ngunit hindi nila sinabi kung kailan eksaktong naganap ang pagdaan o kung may isinagawang negosasyon sa pagitan ng Iran.

Ang Strait of Hormuz ay dinaraanan ng malaking bahagi ng suplay ng langis at LNG sa buong mundo. Bago ang tensyon sa Iran, umaabot sa halos 20% ng global oil at gas supply ang dumaraan dito kaya’t itinuturing ito bilang pinakamahalagang shipping route sa mundo.

Isa ang Japan sa nakikinabang sa rutang ito, dahil tinatayang 90% ng oil imports at 6% ng LNG nito ay dito dumadaan.

Dahil sa digmaan, nasa 45 barkong konektado sa Japan ang na-stranded at hindi agad makatawid, ayon sa transport ministry ng bansa.

Kabilang sa mga naantalang barko ang mga oil tanker, LNG carriers, car carriers, at iba pang cargo vessels ng Japan.

Samantala, may ilan nang barko mula sa ibang bansa kabilang ang ang China, India, at Greece ang nakatawid na rin sa Strait mula nang magsimula ang digmaan.