-- Advertisements --

Malakas na magnitude 6.9 ang yumanig sa hilagang bahagi ng Japan ngayong araw, ngunit walang inilabas na tsunami warning at wala ring naiulat na nasawi o malaking pinsala.

Ang lindol ay naganap bandang alas-7:30 ng umaga sa dagat malapit sa Iwate Prefecture sa isla ng Honshu, na may lalim na tinatayang 50 kilometro ayon sa Japan Meteorological Agency.

Naramdaman ang pagyanig hanggang sa Tokyo na mahigit 700 kilometro ang layo mula sa episentro. Sa Aomori Prefecture, na pinakamalapit sa episentro, naitala ang lakas ng pagyanig sa antas na “upper 6” sa Shindo intensity scale ng Japan, isang antas na nagdudulot ng matinding pag-uga kung saan mahirap nang tumayo nang walang suporta at maaaring matumba ang mga kasangkapan at mabasag ang mga bintana.

Agad na sinuspinde ng East Japan Railway ang operasyon ng Tohoku Shinkansen bullet train sa pagitan ng Sendai at Shin-Aomori para sa inspeksyon ng kaligtasan.

May ilang expressway sa Aomori na pansamantalang isinara para sa pagsusuri. Sa kabila nito, nanatiling normal ang daloy ng trapiko sa Hachinohe City at gumagana pa rin ang mga traffic lights. Isang residente sa Hashikami ang nag-ulat na tanging isang frame ng larawan lamang ang nahulog sa kanilang bahay.

Nagpahayag si Chief Cabinet Secretary Minoru Kihara na wala pang impormasyon ukol sa nasawi at patuloy na mino-monitor ang sitwasyon.

Sinabi rin ng Nuclear Regulation Authority na walang nakitang abnormalidad sa mga nuclear power plant sa Onagawa, Higashidori, at Tomari sa Hokkaido.

Nag-utos si Prime Minister Sanae Takaichi sa mga ahensya ng pamahalaan na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan at nanawagan sa mga residente na manatiling alerto sa posibilidad ng mga aftershocks.

Ang Japan ay isa sa mga pinaka-seismically active na bansa sa mundo, nakapuwesto sa ibabaw ng apat na pangunahing tectonic plates sa Pacific “Ring of Fire.”

Tinatayang halos 18 porsyento ng malalakas na lindol sa buong mundo ay nagaganap sa Japan.