-- Advertisements --

Nagpaabot ng pakikiramay si Japanese Prime Minister Sanae Takaichi sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao sa Pilipinas noong Lunes ng umaga, Hunyo 8.

Sa kanyang post sa X (dating Twitter), sinabi ni Takaichi na labis niyang ikinalungkot ang ulat ng malawakang pinsala, kabilang ang pagguho ng mga gusali sa rehiyon.

“I am deeply saddened by reports that the major earthquake that struck off Mindanao in the southern Philippines today has caused damage, including the collapse of buildings,” pahayag ni Takaichi.

Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at pakikidalamhati sa lahat ng naapektuhan ng trahedya.

“I extend my heartfelt condolences to all those who lost their lives and to their bereaved families, and my sincere sympathies to all those affected,” dagdag pa ng punong ministro.

Tiniyak din ni Takaichi na handa ang Japan na magbigay ng karagdagang tulong sa Pilipinas batay sa pangangailangan sa mga apektadong lugar.

“Japan stands ready to provide all possible assistance that the Philippines may need, based on local needs,” aniya.

Binigyang-diin din niya ang patuloy na pagkakaisa ng dalawang bansa sa gitna ng mga sakuna.

“Japan always stands with the people of the Philippines,” dagdag pa ng opisyal.

Samantala, matatandaang bumisita sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa Japan noong Mayo para sa isang state visit, kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Japan.