-- Advertisements --

ILOILO CITY- Muling isinailalim sa state of emergency ang Japan sa ikatlong pagkakataon kasunod ng pag-akyat ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) dala ng bagong variant ng nasabing virus.

Ayon kay Bombo International Correspondent Josel Palma, direkta sa Japan, sakop ng state of emergency ang Tokyo at mga western metropolis ng Osaka, Kyoto at Hyogo.

Ang 17-day emergency ay nagsimula kahapon, Abril 25 hanggang Mayo 11.

Pahayag ni Palma, sa loob ng 17 araw, ipapasara ang department stores, malls, theme parks, bars at restaurants na nagtitinda ng alcoholic beverages, theaters at museums.

Mananatili namang bukas ang mga paaralan at mga grocery store ngunit para sa mga unibersidad, isasagawa ang online classes.

Samantala ayon kay Palma, sa kabila ng pag-akyat ng kaso ng COVID-19 sa Japan, determinado ang gobyerno at ang Tokyo Olympic Organizers na ituloy sa July 23 hanggang August 8 ang olympic games.

Ito ay sa kabila ng panawagan ng mga tao na ipagpaliban na muna ang Olympic games dahil sa pag-akyat ng kaso ng COVID-19.