Itinanggi ng Japan ang ipinadalang letter ng China sa United Nations na nagsasabing nagbanta umano ang Tokyo ng military intervention kaugnay ng isyu sa Taiwan.
Ayon sa Japan, ang akusasyon ng Beijing ay walang basehan at batayan ukol sa katotohanan.
Ang pahayag ay tugon ni Japanese UN Ambassador Kazuyuki Yamazaki sa liham na ipinadala noong Biyernes ni Chinese Ambassador Fu Cong kay UN Secretary-General Antonio Guterres.
Inakusahan ni Fu si Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na lumabag umano sa international law matapos sabihin sa parliament meeting nito na maaaring tumugon ang militarily ng Japan kung aatakihin ng China ang Taiwan.
Sa kanyang sagot, iginiit ni Yamazaki na ang polisiya ng Japan ay nakatuon lamang sa “passive defense,” at mali ang pahayag ng China na gagamit ng self-defense ang Japan kahit walang direktang pag-atake laban dito.
Aminado ang China na lubhang nasira ang kanilang trade cooperation dahil sa pahayag ni Takaichi, at ilang concert ng Japanese performers sa China ang bigla ring nakansela.
Samantala, sinabi ni Takaichi noong Martes na nakausap niya si U.S. President Donald Trump sa kanilang unang tawag matapos ang tensyon sa China.
Ayon kay Takaichi, sinabi ni Trump na maaari niya itong tawagan anumang oras at ipinaliwanag din ng U.S. leader ang kasalukuyang estado ng U.S.-China relations matapos ang naging usapan ni Trump kay Chinese President Xi Jinping.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Trump ukol sa sigalot ng Japan.
Matatandaan na unang iginigiit ng China na bahagi ng kanilang teritoryo ang Taiwan at hindi nito isinasantabi ang paggamit ng puwersa upang makuha ito.










