Sumakabilang-buhay na ang Jamaican reggae pioneer na si Frederick Nathaniel “Toots” Hibbert sa edad na 77.
Ayon sa kanyang grupong Toots & the Maytals, namayapa si Hibbert sa piling ng kanyang pamilya sa Kingston, Jamaica.
Sa ngayon, hindi pa batid kung ano ang sanhi ng pagpanaw ni Hibbert, ngunit dalawang linggo na ang nakararaan nang sumailalim sa coronavirus test ang singer at inilagay sa intensive care.
Si Hibbert ang naging mukha ng Toots & the Maytals mula noong unang bahagi ng dekada 60.
Siya rin ang sinasabing nagpasikat ng reggae music at ang mismong nagpangalan sa genre, sa kanyang 1968 single na “Do the Reggay” na kauna-unahang kanta na gumamit sa term.
Ilan sa mga sumikat nilang track ay ang “Pressure Drop”, “Sweet and Dandy”, at “54-46 That’s My Number”.
Naulila ni Hibbert ang kanyang asawa at pito sa walo nilang anak. (BBC)