BOMBO DAGUPAN – Patuloy pa ring idinadaing ng mga residente ng Umingan ang isyu ng langaw sa kanilang bayan partikular sa Brgy. Cadiz.
Sa pakikipanayam ng Bombo Radyo Dagupan sa ilang mga residente dito, nakapagdaos naman na sila ng pagpupulong kabilang ang may-ari ng isang poultry farm na nakapalibot sa lugar, patungkol sa mga hakbang upang mabigyan ng solusyon ang problemang ito.
Umaasa naman ang mga residente na ito na ang simula ng pagresolba ng problema na matagal na panahon na umano nilang iniinda.
Hindi naman umano nakaranas ng ganitong problema noong nakaraang mga dekada, nagsimula lamang ang pagdami ng mga pesteng langaw nang magtayo ng ilang poultry farms.
Samantala, ayon naman kay Jaime Salazar Jr., guro ng Cadiz Elementary School, apektado na rin maging ang pag-aaral ng mga estudyante dahil sa halip na makapag-focus, mas natutuon ang kanilang atensyon sa pagsuway sa mga langaw na umaaligid sa kanila.
Nagkaroon na rin aniya ng pagkakataong sumasakit ang kanilang tiyan dahil nadadapuan ng langaw ang kanilang mga pagkain.
Sagot naman ukol dito ng Municipal Agriculture Office sa pamamagitan ng Head nito na si Engr. Edwin Calderon, nasa 16 na ang bilang ng mga poultry farms sa bayan ng Umingan at dumadami lamang aniya ang mga langaw sa tuwing sasapit ang harvest time.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay napasara na ang isang poultry sa brgy. Cabatuan dahil sa mga violation sa pagmamanage ng kanilang poultry.
Aniya, handa namang tumulong ang lokal na pamahalaan sa mga ganitong concern ngunit idaan muna sa kanila upang malaman ang mga hakbang na dapat isagawa.