-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa militar na maghanda para sa paglikas ng mga sibilyan mula sa southern city ng Rafah bago ang pinalawig pang opensiba nila laban sa militanteng Hamas.

Kaugnay nito, pinagsusumite ni Netanyahu ang Israeli military at security officials sa Gabinete ng isang combined plan para sa pagpapalikas ng populasyon sa Rafah at paglansag sa mga batallion ng Hamas.

Aniya, imposible na makamit ang layunin ng giyera nang hindi nauubos ang Hamas at kung hahayaan na lamang ang 4 na battalions ng Hamas sa Rafah. Kayat malinaw aniya na kailangang mailikas ang mga sibilyan mula sa lugar ng labanan.

Aabot kasi sa 1.5 million Palestino ang kasalukuyang nasa Rafah na nagsisilbi nilang kanlungan sa gitna ng patuloy na combat operations ng Israel sa nalalabing lugar sa Gaza.

Ang Rafah ang natatanging crossing point o tawiran sa pagitan ng Gaza at Egypt.

Matatandaan na una ng inihayag ni Netanyahu na inatasan niya ang mga tropang sundalo ng Israel para maghandang mag-operate sa Rafah at ang ganap na tagumpay ay makakamit ng Israel laban sa Hamas sa loob ng ilang buwan na lamang.