Nakatanggap ng impomasyon ang Euro-Mediterranean Human Rights Monitor na naglunsad umano ang Israeli forces ng malawakang pag-aresto sa mga sibilyan kabilang na ang mga doktor, peryodista, kaguruan, at matatandang lalaki base sa kumakalat na larawan mula sa Gaza.
Dinepensahan naman ng kampo ng Israel ang naturang larawan at sinabing ito ay mga miyembro ng Hamas na sumuko na.
Sinabi din ng tagapagsalita ng Israeli Defense Forces na inaaresto at iniimbestigahan nila ang mga ito upang malaman kung sino sa kanila ang may koneksyon sa Hamas.
Hindi pa matukoy ang eksaktong lugar kung saan at kailan nakunan ang larawan subalit ang iba rito ay kinilala na ng kanilang mga kaibigan at pamilya.
Ang mga naaresto ay nakaluhod, nakapiring, nakatali ang kamay habang walang ibang damit kundi pampribadong kasuotan lamang.
Ganito ang kalagayan ng mga sibilyang hawak umano ng mga sundalo ng Israel sa kumakalat na larawan sa social media.
Isa sa mga kinilala rito ay si Diaa Al-Kahlout, isang peryodista ng news website na The New Arab kabilang na ang kanyang kapatid at ilang mga kamag-anak.
Ayon sa kapatid na babae ni Kahlout, tinutukan ng baril at sinaktan ang peryodista at pinilit na sumama kasama ang iba pa nitong mga lalaking kamag-anak.
Mariin namang kinondena ng pamunuan ng pahayagan ang pag-aresto sa peryodista at pamilya nito. Saad nila, makikipagtulungan sila sa mga international organization na tumutulong sa karapatan ng mga peryodista para makalaya si Kahlout sa kamay ng mga sundalong Israel.










