Hinimok ng mga lokal na opisyal sa Cebu ang Bureau of Animal Industry na alisin na ang African Swine Fever color coding nito hindi lamang sa Cebu kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa dahil naaapektuhan na nito ang mga lokal na backyard hog raisers partikular na sa Isla ng Camotes.
Nagkaroon na ng oversupply sa mga baboy sa isla matapos isara ang mga borders ng ibang lugar kaya nakiisa sa panawagan ang mga alkalde sa Camotes island.
Sa isang manifesto, umapela ang mga alkalde kina Leyte Governor Leopoldo Dominico Petilla at Ormoc City Mayor Lucy Torres-Gomez na buksan ang kanilang mga border at pamilihan sa mga baboy mula sa isla dahil hindi na tinatanggap ang kanilang mga buhay na baboy sa kanilang mga karatig lugar.
Mas malaki pa umano ang kanilang magastos kapag dinala pa ang mga baboy sa mainland Cebu na mayroon ding labis na suplay ng mga baboy.
Tiniyak naman ng mga alkalde na ang Camotes Islands ay hindi kailanman nagkaroon ng kaso ng ASF.
Samantala, nananawagan naman si Cebu Gov. Gwen Garcia sa lahat ng local government units (LGUs) sa buong bansa na samahan siya sa paghahangad na alisin ang mga polisiyang ipinataw ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa mga lgus na umano’y infected ng African Swine Fever ( ASF).
Suportado naman ito ng presidente ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) Cebu Chapter na si Daanbantayan Mayor Sun Shimura at sinabing maghahain ito ng resolusyon upang kumbinsihin ang mga LGU sa buong bansa na suportahan ang panawagang ito ng Cebu.
Inanunsyo din ng gobernadora na handa ang Cebu na buksan ang mga borders nito sa iba pang mga lgu’s sa pagbili at pagbebenta ng mga baboy at iba pang mga produkto na may kaugnayan sa baboy, kabilang ang mga nagmumula sa mga lugar na nahawaan ng ASF, hangga’t magkaroon ang mga ito ng parehong protocol ng Cebu at lumagda sa isang memorandum ng agreement ang kanilang local chief executives.