CAUAYAN CITY – Natuklasan ng mga otoridad na inilibing sa mababaw na hukay ang isang sanggol na nakitang wala ng buhay sa gilid ng ilog sa Mungayang, Kiangan, Ifugao at hinihinalang hinukay ng mga aso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj. Richard Ananayo, hepe ng Kiangan Municipal Police Station na batay sa pagtaya ng kanilang Municipal Health Officer, kasisilang o wala pang 24 oras na naisilang ang sanggol nang matagpuan.
Inilibing anya sa mababaw na hukay ang sanggol na hinukay ng mga aso matapos maamoy.
Noong nakita ng isang magsasaka ang labi ng sanggol ay napapaligiran ng mga aso.
Wala na ang ibabang parte ng katawan ng sanggol kaya hindi matukoy kung ito ay babae o lalaki.
Sa gilid ng ilog malapit sa palayan na malayo sa kabahayan inilibing ang sanggol.
Binalot ang ulo ng sanggol ng cellophane at ayon sa pagsisiyasat kawalan ng oxygen ang naging dahilan nang pagkamatay nito.
Ang sanggol ay binigyan na ng disenteng libing.
Sa ngayon ay nagsasagawa ang Kiangan Police Station ng imbestigasyon upang matukoy ang mga magulang pangunahin na ang ina ng sanggol.
Lahat ng barangay health workers malapit sa lugar kung saan inilibing ang sanggol ay kumikilos na rin upang matukoy ang ina nito.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa ospital upang malaman ang mga buntis na malapit nang manganak na nagpapacheck-up.