LAOAG CITY – Sugatan ang isang magsasaka matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Baresbes sa bayan ng Dingras.
Ayon kay Police Major Julius Basallo, ang chief of police ng PNP-Dingras, ang biktima ay 28-anyos, may asawa, isang magsasaka at residente sa nasabing barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP-Dingras, kagabi habang kumakain ang biktima sa labas ng kanilang bahay ay mayroon umanong lalaki lumapit sa kanya at bigal na lamang pinagbabaril ito.
Dahil sa insidente, tumama ang bala ng hindi pa nadeterminang baril sa leeg ng biktima.
Agad namang itinakbo sa Rural Health Unit (RHU) sa bayan ng Solsona ngunit inilipat sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac at sa ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan.
Sa ngayon, wala pang naestablisang motibo sa pamamatil ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad.