-- Advertisements --

Naglatag ng kabaong ang grupong Sikad Pilipinas sa labas ng Senado na may nakasulat na ‘Nakikiramay ang Sambayanang Pilipino.’

Ayon sa grupo, ang kabaong ay sumisimbolo sa umano’y unti-unting pagkawala ng demokrasya sa bansa kasabay ng patuloy na tensyon at kaguluhan sa pamahalaan.

Ang Sikad Pilipinas ay binubuo ng mga tagasuporta nina Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at Bise Presidente Sara Duterte.

Nagsagawa rin ang grupo ng kilos-protesta upang iparating sa pamahalaan ang kanilang mga hinaing at panawagan.

Ilang araw nang nagsasagawa ng protesta ang nasabing grupo sa labas ng Senado at iginiit na magpapatuloy sila sa kanilang pagkilos bilang pagpapakita ng suporta sa mga kaalyado ng pamilyang Duterte.

Samantala, nakaantabay naman ang mga pulis sa lugar upang mapanatili ang kaayusan at seguridad habang isinasagawa ang mga aktibidad ng grupo.