-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Dagupan ang tagapagsalita ng grupong Ulopan ed Camp Gregg Military Reservation Magsaysay Bayambang Chapter upang matugunan ang umano’y maanomalya at ilegal na titulo ng lokal na pamahalaan ng naturang bayan.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Val Guevara ang spokesperson ng naturang samahan, itinuturing nila itong ilegal dahil una, maraming discrepancy, pangalawa, hindi umano ipinaaalam ng local government unit (lgu) sa national government unit (ngu) ang pagpapatitulo ng lupa.

Bawal umano talagang patituluhan ang isang military reservation ngunit aniya, lumabas sa kanilang pananaliksik na sa pagpapatitulo pa lamang ay nagkaroon na agad ng illegality kung saan hindi tumutugma ang location at size ng munisipyo ng Bayambang sa laman ng kanilang Act Origin 23654.

Base umano sa imbestigasyon ng isang abogado na legal assistant ni Senator Raffy Tulfo, 3.9 hectares umano ang titulo ng Munisipyo ng naturang bayan, taliwas sa 1,388 ektarya na nakalagay sa Act Origin at ang lokasyong nakalagay rito sa bayan ng Sison imbes na sa Bayambang.

Umabot na umano sa humigit kumulang 137 na lote ang pinatituluhan ng Bayambang kung saan nagpapirma umano ang mga ito ng memorandum of agreement sa isang mamamayang nagngangalang Bernard Viray na Kindergarten lamang ang tinapos kung saan madali nilang nabilog ang ulo nito dahilan na ring wala man lang itong kasamang abogado na gagabay.

Saad umano sa kaniya na attendance lamang ang kaniyang pipirmahan ngunit lingid sa kaniyang kaalaman na naipapamigay na pala nito ang kanilang lupang pagmamay-ari ng kaniyang ina.

Bagamat walang kamalay-malay ang mga pamilyang nasangkot sa pandarayang ito ng Bayambang LGU, sila pa aniya ang napaalis sa kani-kanilang mga lupa kung saan ang isang pamilya ay nakikitira na lamang ngayon sa kaniyang kapatid habang ang isa pang pamilya ay nakatanggap ng pagbabanta galing sa naturang pamahalaan na palalayasin umano ito kahit pa wala pa itong malilipatan.

Ito ang nag-udyok sa kanilang samahan upang magpasa ng isang petisyon upang mapawalang bisa ang ilegal at hindi makatarungang gawaing ito ng naturang bayan.