-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Tumanggap ng natatanging Presidential Awards for Filipino Individuals and Organizations Overseas ang isang Aklanon Overseas Filipino Worker na naka-base sa Kuwait at tubong Brgy. Panipiason, Madalag, Aklan.

Ayon kay BANAAG Presidential Awardee Mr. Dennis Nama Rata na pinilit niyang makauwi sa bansa upang personal na tanggapin ang pagkilala sa Manila Mariott Hotel sa Pasay City, araw ng Miyerkoles.

Ang programa ay pinangunahan ng Commission on Filipino Overseas matapos bigyan ng otorisasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Rata, hindi naging madali ang nominasyon para mapili bilang isa sa mga awardee.

May apat aniyang estado ng technical working group ang dadaanan kung saan sila ang nagsagawa ng screening.

Ilan umano sa mga dahilan na nagtulak sa kanya upang maging aktibo sa pagtulong sa kapwa OFW ay ang nakikitang mga problema na kailangang mabigyan ng agarang aksyon at atensyon.

Sa ilang taon aniyang pagtatrabaho sa Kuwait, nasaksihan nito ang hirap lalo na nang mga domestic helper na nakakaranas ng pagmaltrato, hindi pinapauwi ng employer kahit tapos na ang kontrata at maraming iba pa.