CAUAYAN CITY – Isa ang nasawi sa karambola ng tatlong sasakyan sa National Highway na bahagi ng Upi, Gamu, Isabela.
Ang mga sangkot na sasakyan ay isang Toyota Hilux Pickup na minaneho ni Rodolfo Matutino, sakay din ng sasakyan sina Jennifer Matutino, Desiree Matutino, Princess Matutino, Andrea Camille Matutino at Prince David Pascua pawang residente ng Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Sangkot din ang isang tricycle na minaneho ni Dante Guittu na residente ng Upi, Gamu, Isabela at isang motorsiklo na minaneho ni Sheriemae Herrera habang ang backrider nito ay si Angelica Tamayo na kapwa residente ng Raniag, Burgos, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt. Joel Nastor ng Gamu Police Station, kanyang sinabi na papalabas ang tricycle na minamaneho ni Guittu sa national highway nang mabangga ng paparating na pick up na minamaneho ni Matutino na dahilan naman para mabangga ang motorsiklo na minamaneho ni Herrera.
Nasawi ang backrider ng motorsiklo na si Tamayo habang nasugatan ang mga sakay ng tatlong sangkot na sasakyan.
Nagpaalala ang pulisya na mag-ingat sa pagmamaneho at huwag uminom ng alak gayundin na palaging magsuot ng helmet kapag nakasakay sa motorsiklo.