Sumuko na ngayong araw sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isa pang persons of interest sa pagkamatay ng hazing victim at Adamson University student na si John Matthew Salilig.
Ito ay si Aron Cruz alias Bones na miyembro din ng Tau Gamma Phi na nakasuot ng light gray hoodie nang kusa itong sumuko ngayong araw sa NBI-National Capital Region.
Una rito, nasa apat ng miyembro na ng fraternity ang sumuko sa NBI head office noong araw ng Lunes, Marso 6.
Pansamantalang nasa kustodiya ng NBI ang mga ito para sa maayos na disposisyon bago iturn-over sa pambansang pulisya.
Isang miyembro dito na alias “Snoop” ang nagsumite na ng kaniyang narrative report na nakatunghay sa initiation rites kay Salilig. Ayon sa abogado nito, present ang kaniyang kliyente sa mahalagang parte ng isinagawang initiation mula sa pagkuha kay Salilig hanggang sa kasagsagan ng hazing subalit isa lamang din aniyang baguhan ito sa fraternity.
Habang ang isa namang alias “Beggie” na officer ng fraternity sa San Pedro, Laguna chapter ay kusa ding sumuko subalit itinanggi nitong may kinalaman siya sa initiation at naimbitahan lamang.
Tumanggi namang magsalita ang isa pang alias ‘Void” na isa ding baguhan sa fraternity.
Samantala ang isa namang hindi tinukoy na person of interest ay sumuko din sa NBI at sinabing nagpunta lamang siya sa initiation rites para sa disciplinary reasons.
Una na ring kinasuhan sa Department of Justice ang anim na persons of interest at ang master initiator.