-- Advertisements --
UK oil tanker
UK tanker

Naglabas ng babala ang United Kingdom Foreign Office sa shipping industry ng kanilang bansa na kung maaari lamang daw ay iwasan muna ang paglalayag ng kanilang mga barko sa Strait of Hormuz.

Ito ay matapos kumpirmahin ng Iranian Revolutionary Guard Corps ang ginawa nitong pagdakip sa British-flagged vessel na Stena Impero.

Sa pahayag na inilabas nito, nag-aalala umano sila sa hindi katanggap-tanggap na aksyon na ginawa ng Iran. Patunay lamang daw ito na hinahamon ng naturang bansa ang international freedom of navigation ng rehiyon.

Sinigurado rin nito na hindi nila palalampasin ang insidente lalo na at kapag hindi ito agarang naresolbahan. Patuloy naman ang kanilang pakikipag-tulungan sa kanilang mga international partners at naglalatag na rin umano sila ng pagpupulong kasama ang mga ito.

Samantala, tikom ang bibig ni Iranian Foreign Minister Mohammad Javad Zarif kaugnay sa nasabing usapin.

Kasalukuyang nasa Caracas si Zarif upang makiisa sa pagpupulong na isasagawa patungkol sa Non-Aligned Movement, isang multi-organization na kasapi ang iba’t ibang bansa sa buong mundo.