-- Advertisements --

Inilipat sa isang ospital sa Tehran ang nakakulong na Iranian Nobel Peace Prize winner na si Narges Mohammadi matapos atakihin sa puso dalawang linggo na ang nakalipas.

Ayon sa foundation na pinamamahalaan ng kanyang pamilya, pansamantalang sinuspinde ang kanyang sentensiya kapalit ng malaking piyansa upang mabigyan siya ng mas maayos na gamutan.

Si Mohammadi, 54-anyos, ay ginawaran ng Nobel Peace Prize noong 2023 habang nakakulong dahil sa kanyang kampanya para sa karapatan ng mga kababaihan at pagtutol sa death penalty sa Iran.

Mula sa kulungan sa Zanjan, dinala siya sa Tehran Pars Hospital kung saan siya gagamutin ng sarili niyang medical team.

Noong Pebrero, muling hinatulan si Mohammadi ng panibagong pitong taong pagkakakulong.

Inaresto rin siya noong Disyembre matapos niyang kondenahin ang pagkamatay ng abogado na si Khosrow Alikordi.

Bagama’t pansamantalang nakalabas ng kulungan si Mohammadi, sinabi ng kanyang foundation na hindi sapat ang suspension ng sentensiya at dapat siyang tuluyang palayain dahil nangangailangan siya ng tuloy-tuloy na gamutan.

Samantala, patuloy ding binabantayan ng international rights groups ang sitwasyon sa Iran dahil sa mga ulat ng crackdown, internet restrictions, at umano’y patuloy na pagbitay sa mga sangkot sa mga protesta sa bansa.