-- Advertisements --

Tumanggi ang Iran na muling buksan ang Strait of Hormuz hangga’t nananatili umano ang blockade ng Estados Unidos, na tinawag nitong “lantad na paglabag” sa ceasefire sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon sa Iran, nagsisilbi ang presensya ng US naval forces bilang hadlang sa malayang pagdaan ng mga barko sa mahalagang rutang dinaanan ng langis at gas. Giit ng mga opisyal ng Tehran, hindi maaaring ituring na tunay ang ceasefire kung may nagpapatuloy na blockade sa dagat.

Kasabay nito, inihayag ng Iranian Revolutionary Guards na nasamsam nila ang dalawang container ships na dumadaan sa nasabing Strategic strait. Sinabi rin ng mga opisyal na may iba pang barko na inire-report na nakaranas ng insidente ng pamamaril at panghaharang sa lugar.

Ayon sa Iran, pinasasalamatan nila ang Pakistan sa mga pagsisikap nitong makapamagitan para sa kapayapaan sa rehiyon, ngunit hindi sila direktang nagkomento sa anunsyo ng Estados Unidos na pinalalawig ang ceasefire upang bigyang-daan ang negosasyon.

Samantala, patuloy ang magkakasalungat na ulat mula sa US at Iran hinggil sa mga paglabag sa tigil-putukan, habang nananatiling tensyonado ang sitwasyon sa Gulf na dinaraanan ng malaking bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis. (report by Bombo Jai)