-- Advertisements --

Umalingawngaw ang tunog ng sirena ng air raid sa buong Israel kasabay ng paglunsad ng Iran noong Sabado ng gabi ng dose-dosenang drone at missiles sa Israel bilang ganti kaugnay ng pag-atake ng Israel sa Iranian Embassy sa Damascus, Syria.

Mahigit 200 missiles at drone ang pinaputok mula sa Iran patungo sa Israel, batay sa ulat ng tagapagsalita ng Israel Defense Forces na si Daniel Hagari. Iniulat din ni Hagari, na hindi bababa sa isang bata ang nasugatan sa pag-atake.

Inihayag ng Israel Defense Forces na mayroon pang ilang pinsalang naidulot ang pag-atake at kabilang na rito ang isang military base sa southern Israel, pero wala pang karagdagang mga detalye na ibinigay hinggil dito.

Ayon pa sa Israel Defense Forces, naka-high alert na ang kanilang Aerial Defense Array, kasabay ng IAF fighter jets at Israeli Navy vessels na kasalukuyang naka defense mission ngayon sa Israeli airspace.

Samantala, sa isang pahayag naman, kinondena ni U.S. President Biden ang naturang Iranian attack at sinabing tinutulongan ng U.S. ang Israel na patumbahin ang mga paparating na drones at missles.

Ang pag-atake ng Iran ay bilang pagganti sa isang Israeli strike noong Abril 1 sa isang konsulado ng Iran sa Damascus, Syria, na pumatay sa pitong miyembro ng Islamic Revolutionary Guard Corps.